Narito ang UNANG BERSYON.
Narito ang PANGALAWANG BERSYON.
James Bernard E. Relativo MPs110
2009 – 53436 Vlad Gonzales
Castration
“Duwag! Wala kang bayag!”, ang sigaw ko kay Martin habang papalabas ng Route 196.
Gig nila Martin nuon. Naisip kong sabihin na sa kanya ang magandang balita, good mood siya at ayoko na ipagpabukas, ngunit hindi iyon ang inaasahang kong reaksyon sa kanya. Hindi talaga.
“Joke ba ‘to?”, ang patawang tugon niya sa akin. “Ay oo babe, joke ‘to, kaya nga dalawang linya lumabas duon sa pregnancy test ko! Look oh!”
Madaling napawi ang bahid ng pagngisi sa kanyang mukha. Hindi yata magandang ideya itapat sa mukha niya ang pregnancy kit with matching smile.
“Sigurado ka’ng akin yan?”
“Gago ka ba? Ikaw lang ang gumagalaw sakin!”
“I-papa…ipapalaglag natin yan.”
Napangiti na lang ako’t sinikmuraan ang gago. Tanginang ‘yon! Matapos ‘kong isuko ang Bataan, ngayon pa nawalan ng bayag? Mag-aapat na taon na kami kaya hindi na’ko nagdalawang-isip sabihin. Umasa akong kaya na niyang magkomit sa mas malalim na relasyon, hindi pala.
Binagtas ko ang Katipunan Extention mag-isa, namumugto ang mga mata. ‘Di ko alam kung paano uuwi, naiwan ko yata sa mesa yung wallet ko.
Pagdating sa kanto, nagpahinga muna ako saglit. Naisip kong pumara ng taxi’t magbabayad na lang sa bahay nang biglang may pumarang oto. Kinabahan ako, akala yata prosti ako.
Bumaba ang bintana’t isang pamilyar na mukha ang tumambad.
“Eunice, ikaw ba ‘yan?”
“Jeli? Martin and I had a fight. Pwede bang makituloy muna sa inyo?” Agad naman akong pinagbuksan ng pinto. Buti na rin dumating siya, nagsimula na rin kasing umulan.
“Pasensya na kung medyo masikip sa’min”, ang sabi niya sa akin habang binubuksan ang gate. Medyo awkward lang makitulog sa kanila, lalo na’t may nakaraan kami nuong hayskul.
Kaklase ko siya nuon sa isang all-girl’s school. Mahilig mageksperimento ang mga kaeskwela ko, lalo na sa pakikipagrelasyon. Ang akala ko, tapos na ‘yon bilang “phase” ng buhay ko.
Kumuha siya ng vodka mula sa kusina at inabutan ako ng baso. “Pampainit muna.”
Nostalgic balikan ang lahat. Yung mga panahon na gumagawa kami ng milagro sa bahay ‘pag wala si kuya, yung panahong nangako kaming sabay mag-aaral sa UP, namis kong lahat ‘yon. Minahal ko siya. Nuon pa, alam kong mas may bayag siya sa mga lalaking nakilala ko. Lumabas ang resulta ng UPCAT, hindi ako pinalad. Wala na’kong balita nuon sa kanya maliban sa pagiging aktibista niya.
“Etong Martin mo parang si Noynoy lang! Mambubuntis tapos tatakbuhan ka porke nakakapag-generate ka ng sariling income”, sabay tawa namin dala ng impluwensya ni Absolut. Dumaplis ang dila niya sa aking tainga. “Aakuin ko ang bata, babaguhin natin ang sistema.”
‘Di ko namalayang hinihimas na ang pagitan ng aking mga hita. Pipigilan ko sana, pero naunahan ako ng libog at napakagat na lang ng labi. Nauwi kami sa banyo’t duon nagpatuloy.
Nabalot ng kapanglawan ang kabahayan matapos ang gabing walang kasiguraduhan. Nagising ako sa banyo’t nakahandusay sa bathtub. Wala na si Jeli, may iniwang sulat.
“Babalik ako na maipagmamalaki mo at ng iyong anak. Hangga’t nariyan ang pagsasamantala, hindi ko maipapangako ang magandang bukas sa kanya. Eunice, sasampa na’ko.”
WORD COUNT: 500
Yalung, Denise Michelle R. Pebrero 9, 2011
2008-58793 MPs 110 Prop. Vlad Gonzales
Minsan
Nagising akong wala na siya sa kwarto—wala na sa buhay ko.
Pagdilat ko ay una kong hinanap ang maamo niyang mukha. Ngunit nahuli ako sa paggising. Hindi ko na siya naabutang umalis. Sinabi nga pala niya na maaga siyang papasok sa trabaho kaya nga’t kahit gusto ko pang pahabain ang gabi ay pinilit niyang magpahinga na raw kami.
Pagbangon ko ng kama ay naapakan ko ang nagkalat na mga lata ng San Mig Light sa sahig. Marami-rami rin kaming nainom kagabi. Inabot na nga ng alas dos ang aming kwentuhan. Masaya siyang kausap. Maraming opinyon sa mga bagay-bagay. Madalas ay napapangiti na lang ako habang pinapakinggan ang mga kwento niya tungkol sa mga lugar na napuntahan at sa mga bagay na gusto pa niyang gawin. Kung saan-saan napupunta ang aming usapan, ngunit kahit minsan ay hindi namin pinag-usapan kung ano nga ba kami. Natakot rin akong magtanong dahil ayokong mawala ang kung ano man ang meron kami. Ayokong mawala siya sa akin.
Halos walang laman ang nirerentahan niyang apartment. Ni wala nga siyang mga silya kaya sa sahig na lang kami umupo. Palagi naman daw kasi siyang wala dahil sa trabaho kaya bakit pa siya bibili ng mga gamit sa bahay. Isa siyang stewardess ng PAL. Palaging umaalis, walang katiyakan kung kailan babalik. Simula nang makilala ko siya ay palagi na akong nag-aabang ng mga dumadaang eroplano sa langit. Iniisip ko na bawat eroplanong makita ko ay sumasagisag sa isang taon na aming pagsasamahan. Nakakagaan din ng loob ang makakita ng eroplano, lalu na kapag wala siya. Umiigting lang ang pananabik kong ang susunod na eroplanong makikita ko ay ang eroplanong magbabalik na sa kanya sa akin.
Mag-iisang buwan na rin kaming magkasama. Kapag libre siya ay namamasyal kami sa mall o kumakain sa labas. Tulad ng karaniwang imahe ng isang stewardess, siya ay maganda, matangkad at seksi. Maaliwalas ang kanyang mukhang hindi mo makikitaan ng bahid ng pagod o lungkot. Madalas kaming magbiruan at kapag siya ay wala nang maipang-asar sa akin ay unti-unting tumitinis ang kanyang boses na para bang boses ipis habang pinipilit ipagtanggol ang sarili. Kapag wala na siyang masabi ay matatawa na lang kami at maririnig ko nanaman ang tawa niyang palaging nagtatapos na para bang hinihikang nagkukulang na sa hangin. Gustong-gusto ko siyang pinagmamasdan dahil tinuturuan ako ng kanyang mga ngiti na upang maging masaya ay dapat ninanamnam ang bawat sandali.
Pagkatapos naming manood ng sine kagabi, inimbitahan niya ko sa apartment niya. Hindi daw siya madalas magpapunta ng mga tao doon kaya nang yayain niya ako, akala ko iyon na ang gabi kung kailan magbabago ang lahat. Akala ko ay handa na siyang maging seryoso sa aming relasyon. Ngunit may mga pamamaalam pa lang upang maiwasang maging masakit ay dinadaan na lang sa masayang huling alaala at biglaang paglisan.
Word count: 467
Tahimik ang Lireo ilang araw pagkalipas ng paglayas ni Pirena. Ang inaasahang paglusob ng Hathoria bilang tugon sa pagiging bagong reyna ni Amihan ay hindi naging ganap. Nakabibingi ang katahimikan sa Encantadia.
Isang umaga, sa pagbangon ni Menea—dating Reynang ngayon ay may aliwalas ng paglaya sa pamumuno—nadiskubre niyang nawawala si Reyna Amihan sa palasyo. Kinonsulta niya sina Akil at Muros, ang mga dama ng palasyo, si Imao at ang kanyang mahiwagang tungkod, ngunit walang makapagturo kung nasaan si Amihan. Wala ring makapagsabi kung saan ang kasalukuyang lokasyon ni Sanggre Danaya.
Katanghaliang tapat, inalerto ng diwatang si Muyac ang dating Reyna: patay na si Alena, nakahandusay sa tabi ng batis na paborito niyang paliguan. Sa pagkabigla sa balita’y napatakbo pabalik sa kanyang silid si Menea, dagat ng luha ang mga mata. Sa kanyang pananaw na pinalalabo ng pagtangis, naaninag niya sa kama ang apat na nagkikislapang bato. Ang mga brilyante ng Encantadia! Naroon silang lahat, tubig, lupa, hangin, maging ang brilyante ng apoy na ninakaw ni Pirena. Nakahandusay na tulad ng inutas na anak sa batis.
Pinahid ni Menea ang bakas ng luha, ikinumpas ang kamay sa tapat ng apat na brilyante. Ibinigay niya ang kanyang utos, “brilyanteng nagbibigkis sa Encantadia, sagutin ang aking hiling. Sino ang pumatay sa anak kong giliw?”
Isa-isang nagsisulputan ang mga gabay-diwa, mga espiritu ng bawat brilyante, upang magpaliwanag.
TUBIG
Ang dugong tumilamsik, kailanman ay hinding-hindi na maibabalik. Katulad ito ng mga salita ng pag-ibig.
Pag-ibig. Delubyo ng pag-ibig ang bawat hibik ng Sanggreng ngayon ay nakahandusay sa batis. Laman ito ng kanyang bawat panalangin, isang buhay na tigib ng ligaya, sa piling ng kanyang mga hinihirayang anak at asawa. Laman ito ng kanyang bawat awit, ang kabalintunaan ng mga agos ng pag-iisa (paano’y taglay nito ang dualidad—pagiging mag-isa dahil sa wala ang inaasam na kabiyak, o pagtatagpo sa iniibig at pag-iisa ng dalawang dibdib). May lamig ang kanyang pangungulila, tulad ng lagaslas ng tubig sa batis, habang naliligo’t may misteryosong aninong pasilip-silip. Taglay din nito ang init, minsan nag-aapoy, nagiging usok, pumapailanlang sa langit, hanggang sa hindi na kayanin ng alapaap ang bigat ng pag-aasam. Palagiang nakikiiyak kay Alena ang ulan, naiintindihan ng ulan ang grabedad ng kani-kanilang mga sitwasyon.
Pero si Alena ba ang kumitil sa kanyang sarili?
Maaari. Maaaring hindi. Ako’y brilyanteng umaayon sa damdamin ng aking panginoon, at ang panginoon ko’y may pusong may liksi’t likot ng milyong uli-uli. Hindi kayang ikulong ng Encantadia ang pag-ibig na pumapasag-pasag, nagtatangkang umalpas. Pero ito rin ang naging patibong sa Sanggreng ngayon ay babiyahe na patungong Devas. Hindi lamang siya umibig, umibig siya’t isinawika niya ito. Sinabi niyang “ako’y umiibig, ako’y nagmamahal.” At sa pag-alpas ng wika’y aalpas din ang kawalan ng pagpapantay. May panganib sa kanyang naglakas-loob na maghayag, palagi siyang nasa posisyon ng pag-aabang. Tutugon ba siya? Mayroon pa ba akong hinihintay? Palaging maraming agam ang taong nagsalita’t nag-aabang. Madalas, tulad ngayon, walang ibang tugon kundi ang ulang humahalik sa lupa—ulang tanging umaalpas dito sa nakalulunod na katahimikan.
***
Nicole Andrew Guila word count : 236
BA TA
06-01986
LUPA
Kakatapos lamang umulan.
Isang itim na uwak na may pulang mga mata na nakadapo sa puno. Tinawag nito ang aking pansin habang ang Sanggre ay nakahandusay sa aking katawan.
Pinagmasdan ko ang mga nakadilat na mata ni Alena. na may mga ugat na tumubo mula sa kanyang puso na umutas sa kanya. Ang kanyang luha ay parang mga putik na sa isang iglap ay humalo sa akin at unti-unting naglaho tulad ng kanyang mga pita. May mga tinik rin ng mga halamang ligaw ang kanyang mga paa. Ako ay nadiligan ng dugo.
Ang kanyang pagpasyal sa gubat ay pagsuong din sa panganib— isang paghamon sa mapanlinlang na landas para sa isang inosenteng may mithiin na magbaka-sakali at lumigaya. Ito ay ang gubat na talipandas. Lahat ng pumapasok dito ay hindi na nakakabalik maliban na lang kung siya ay hindi magpapatukso. Ngunit sa kaibuturan nito ay may isang patibong na kumunoy na nagnanasang may mabiktima. Nadali ang prinsesa.
Pero si Danaya ba ang kumitil kay Alena?
Ngayon ay dahan-dahang nalalagas ang mga tuyong dahon mula sa mga nakapalibot na akasya at binabalot nito ang marilag na katawan ng Sanggre. Kasabay nito ay ang paglipad ng uwak papalayo. Marahil siya ang sinasabing sundo patungong Devas, pero maaari rin siyang maging si Danaya, ang aking panginoon na mahusay magbalatkayo bilang hayop.
Hindi ulang humahalik sa lupa ang tugon sa katahimikan, kung hindi ang lupang umaakit na patakan ng ulan.
***
Giselle Espino
APOY
Panaginip ang may sala; ang tumutupok sa buhay. Nilalamon nito ang tao, walang tinitira kung hindi abo.
Ano ang laban ng diwatang lulong sa panaginip? Bulag sa digmaang nagbabantang buwagin ang hierarkiya, itong bulkang malapit nang pumutok. Sindali ng usok burahin sa mundo ang Sanggre, lalo pa’t ang dugo niya’y kumukulo sa deliryo ng pag-ibig at pangarap. Unti-unti nang gumuguho ang Encantadia, hindi pa rin iahon ang ulo mula sa ilog upang makita ang mitsang paubos na. Marahil ay umuusad lang ang panahon. Ang prediksyon. Ang mga plano. Si Alena na rin ang naggatong sa sarili niya. Hindi nagtatagal sa giyera ang walang ibubuga.
Pero si Perena ba ang kumitil kay Alena?
Hindi pinag-aaksayahan ng panahon ang maliit na isda. Hindi kinikitil ang buhay na parang pagpitas ng bulaklak sa hardin. Alipin ng digmaan ang aking panginoon, at para patayin ang tunay na kalaban, kailangang buksan ang mga mata sa tunay na kaaway. Kung papatay na rin lang, si Amihan na sana ang nakahandusay sa tabi ng batis.
Pero ako’y brilyante lamang, hindi manghuhula. Ang bugso ng damdamin ng pusong sugatan ay puwersang di biro, ngunit higit pa roon, ang sumpa nitong giyera ay di matatakasan. Dumadalak, nag-uumapaw ang dugo bago isilang ang panibagong buhay; walang panahon para sa mga gamo-gamong kusang lumapit sa apoy. Ang daan ng isang mandirigma ay gawa ni Kamatayan. Sino man ang humarang, diwata, tao, maski si Bathala pa, ay walang ligtas sa tiyak na kapahamakan. Huwag malinlang sa nakabibinging katahimikan. Ito ay signos lamang ng di matiyak na bukas.
***
Villadelrey, Jhude Erika P.
Hangin
Tanaw ang sinag ng araw ngunit manhid ang balat para sa init nito. Nang-aagaw ng lakas ang malamig na panahon. Ramdam mo ang unti-unting paninigas ng iyong mga laman. Ang panghihina ng katawan. Ang pagpikit ng iyong mga mata. Masarap humimlay. Paghimlay na hindi gaya ng kay Alena.
Walang lagalag na diwata at pashneya. Nakakapanibago ang mga piping usapan. Tanging ang mga naglalaglagang sanga mula sa mga matataas na puno ang nagdudulot ng ingay sa paligid.
Nagkalat. Tulad ng mga talulot sa paligid, nagkalat ang mga diwata sa loob ng kaharian. Paroo’t parito ang mga taga-Encantadia. Hindi mapakali ang lahat dahil sa balita. Patay na si Alena.
Sumasayaw ang apoy sa mga tanglaw sa loob ng Encantadia. Magkakatulad ngunit magkakaiba. Magkakatulad ng direksyong sinusundan subalit magkakaiba ng posisyong kinatatayuan. Kalat ang mga sisidlan ng liwanag sa lahat ng sulok ng kaharian ngunit sabay-sabay ang bawat liyab sa paggalaw.
Hindi mahulugang karayom ang isang sulok ng kaharian. May kumpulan. Patay na ang diwata ng tubig. Patay na si Alena. Paulit-ulit na usapan.
Pero si Amihan nga ba ang pumaslang kay Alena?
Oo, siya. Hindi, hindi siya. Ako ay isang brilyante ng hangin… na walang karapatang humatol. Hindi man ito ang kinalakihang mundo ng aking panginoon ngunit nanatili siyang malakas at matatag. Tila isang malambot na papel na pilit ipinampapaypay. Wala siyang kaibahan sa ibang nilikha. Malambot. May puso. Puso na siya niyang kahinaan.
Ilang labanan na ang nagpadumi sa kanya ngunit natatangay lamang siya ng hihip ng pangangailangan. Kailangang ipagtanggol ang kaharian. Maging mabagsik. Maging matigas. Nakaharap man sa timog subalit nakamasid hanggang sa hilaga.
Kung si bathala ay hindi magawang ituro ang tunay na pumaslang ako pa kaya na isang brilyante lamang. Nawa’y magmistulang maitim na usok ang katawang nakahandusay sa batis. Kakapit sa sinumang nagtagumpay at mag-iiwan ng pinsala gaya ng espiritung nagpapatindig ng balahibo.
Word count: 306
Indolensya
Beatriz Nicole C. Mariano
Nakita kong 6:18 na sa alarm clock ni Sakura pero ang sarap-sarap pang humiga, ang lamig-lamig kasi sa kwarto. Ang sarap magtalukbong sa kama. Ayoko pang bumangon, gusto ko pang managinip tungkol sa masasarap na dessert. Mmmm, ang sarap ng leche flan, halo-halo, tsaka ice cream. Gusto ko pa sanang bumalik sa pagtulog—teka. Teka lang. Pasado alas sais na pala?! Siguradong mahuhuli na si Sakura sa klase niya. May quiz pa naman siya sa unang subject niya. Late na naman siya. Ano ba ‘yan. Gigisingin ko na nga ‘to. Ang ingay na rin ng tiyan ko.
“Hoy, Sakura! Gising na! Gutom na ko.”
“Ughh. Gusto ko pang matulog.”
“Late ka na! Bangon na.”
“Haaa?! Aaanoo?! Ba’t hindi mo ‘ko agad ginising?!” Napatalon si Sakura. Dali-dali siyang naligo’t nagbihis. Walang tao pagbaba namin sa kainan. Malamang iniwan na naman siya ni Kuya Toya at nasa field naman ang tatay niya ngayon kaya wala kaming baong bento sa eskwela. Sayang! Wala nang pagkain sa kusina kaya nag-noodles na lang kami. Gusto ko pang kumain.
“Keroberos! Tama na ‘yan. Tara na.”
Tumakbo kami palabas ng bahay, nagkunwari na akong stuffed toy sa likod ng bag niya. Sinuot niya ang roller blades niya at umalis na kami. Nang makarating kami sa main road, may naramdaman akong kakaiba sa paligid. Ang bagal ng pasada ng mga sasakyan, ano kayang meron? Ah, hindi pa rin pala tapos ang kalsadang inaayos nila. Tatlong buwan na ‘yang hindi magawa-gawa. At kung matapos nga, babaklasin nila ulit pagkatapos ng ilang linggo, tapos aayusin na naman. Ano ba ‘yan. Pero iba ang huni ng mga ibon, pati yung ale na taga-walis ng dahon sa kalsada parang pagod na pagod na sa ginagawa niya.
“Aabot pa ko, aabot pa ko,” paulit-ulit na bulong ni Sakura sa sarili niya.
Buti na lang mabilis tumakbo si Sakura, 16 minutes pa lang siyang late. Iniwan niya ang roller blades niya sa locker at nagpalit ng sapatos, tapos pumapaspas sa pasilyo nang bigla siyang nadulas ng patalikod. Aray! Nadaganan niya tuloy ako. Ngayon lang namin napansin ang berdeng likido na parang lumot na nakalatag sa sahig. Basa, malagkit at madulas ito. Pati sa pader meron. Pumunta muna kami sa banyo upang ayusin ang itsura niya at naglakad ng dahan-dahan papuntang classroom. Tiningnan lang siya ng masama ng teacher niya pagbukas ng pinto at tinuloy ang diskusyon nito tungkol sa Laws of Motion. Kung dati ekspresibo siya magturo, ngayon para siyang lantang gulay magsalita. Minsan binibiro pa niya si Sakura kapag late siya. Mukhang hindi na nga nakaabot sa quiz si Sakura kasi tahimik na ang mga kaklase niya. Pati yung mga bibong kaklase niya hindi nagtatanong. Yumuko siya, nagpaumanhin at umupo sa tabi ni Tomoyo na binigyan lang siya ng mahinang ngiti. Nawala ang ngiti at sigla ni Sakura sa mukha. Walang nagsasalita sa mga kaklase niya kahit sa pagpalit-palit ng mga teacher. Tahimik sa buong eskwela pati nung Recess. Hindi maingay sa playground, kumakain lang ang mga bata at kahit saan may lumot. Ang hirap huminga, parang may nakabalot na kung ano sa buong eskwelahan. Masyadong okupado si Sakura para mapansin ito. May tampuhan ata sila ni Tomoyo at hanggang uwian nung tanghali hindi sila nakapag-usap dahil maaga siyang sinundo.
“Sakura, hindi mo ba nararamdaman ang nararamdaman ko? Ang tahimik at bagal ng takbo ng mga bagay-bagay. Parang may Clow Card sa paligid.”
“Huh?”
Naglalakad kami malapit sa ilalim ng tulay. Mukhang masama ang loob niya dahil lagi na lang siyang hindi handa sa eskwela.
“Hindi na ko nagbago,” ang sabi niya sa’kin sabay buntong-hininga.
Umupo kami sa may damuhan at sabi ko, “’Wag mong damdamin, tapos na ‘yon.”
Naghahagis siya ng bato sa tubig at nagkakaroon ng maliliit na mga along nagmumula sa gitna. Dinig namin ang tawanan ng mga batang naglalaro ng patintero sa di-kalayuan nang biglang may narinig kaming umaahon sa tubig. Isa itong higanteng kuhol! Itim ang balat nito at ang kaniyang bahay ay kulay-tsokolate na may mga puting guhit. Mabagal itong lumapit sa hanay ng mga batang isa-isang tumahimik at hindi na gumalaw.
“Sakura! Tumayo ka na diyan. Clow card ‘yang kuhol. Hulihin mo habang hindi pa tayo naaapektuhan ng kapangyarihan niya.”
“Sige! Kaya ko ‘to. Kuhol lang ‘yan.” Sa wakas nabuhayang muli si Sakura. Ginawa niyang baton ang susi at tumakbo palapit para hampasin ito. Pero sa kalagitnaan bigla siyang tumigil at marahang binaba ang baton niya. Hindi kami makagalaw. Naapektuhan na kami ng kapangyarihan nito. Ang bigat ng katawan namin.
“Keroberos, ayoko na. Hindi ko kayang hulihin ang mga baraha. Hayaan na lang natin ang mga Clo—”
“Iwaas!” sinigaw ko habang nagtago ang kuhol sa bahay nito at rumolyo papunta sa’min ni Sakura. Hindi kabilisan ang paggalaw nito pero parang preso sa loob ng katawan namin. Ang hirap magsalita. “Gumalaw ka.”
“Suko na ko.”
“’Wag kang magpapadala sa kapangyarihan niya. ‘Yan ang Indolensya.”
Palapit na ito nang palapit sa’min. Napansin ni Sakura na may paikot-ikot ang bahay ng kuhol. Gustong gumalaw ni Sakura pero nakagapos siya. “Para akong nasa heliks. Paloob nang paloob, paliit nang paliit…”
“Basta gawin mo lang! Nasa sa’yo ang lahat. Tandaan mong may responsibilidad ka sa mga baraha. Subukan mo lang. Tsaka ang heliks ay pwede ring palabas, palayo!”
Isang dipa na lang ang layo ng kuhol bago kami madaganan. Inaalala ni Sakura ang mga bagay-bagay na helikal. Naiintindihan na niya.
“Alam ko na.”
Sinubukan niyang kumilos at unti-unting gumalaw ang kaniyang kanang paa, tapos kaliwa, sunod ang kaniyang mga kamay. Mabilis siyang nakaiwas sa kanan at agad na pinagbagong-anyo ang kuhol sa isang baraha. Nakagalaw na rin ako’t bigla naming narinig ang tawanan ng mga bata. Whew. Sayang wala si Tomoyo para makunan ang eksenang ito.
“Ang galing mo, Sakura!”
Pagdating namin sa bahay, kumain kami ng madaming-madami at umakyat sa kwarto. Bago maglaro ng videogame sabi ko, “Sinulat mo na ba yung pangalan mo sa baraha?”
“Oo. Sige, gagawa na ‘ko ng homework ngayon. At pagkakain, maaga akong matutulog.”
“Mabuti naman. Dalhan mo ‘ko ng madaming pagkain mamaya ha?”
The Techno
Karmela Gabrielle Tordecilla
Nang makarating ang sampung taong gulang na si Sakura Kinomoto sa gym ng Tomoeda Elementary School, halos dalawang daang mga kamag-aral na niya ang may bitbit na malalaking plastik na container, dinidiligan ng gasolina ang makintab na sahig.
Sa mga nakapalibot na upuan ay parang walang malay na nakatulala lamang ang mga titser ng eskwelahan, tuwid na tuwid ang pagkakaupo. Isang bunton ng gadgets ang nasa paanan nila. Patung-patong ang mga ito’t lumilikha ng nakaririnding malasirenang tunog.
Lumingon ang batang Card Captor sa kanyang tabi, kung saan lumilipad si Keruberos, ang tagapag-alaga ng mga Clow Card. Hindi maikakaila ang takot sa kanilang mga mukha.
Ngunit kailangan na niyang pigilan ang lahat. Bilang Card Captor, tungkulin niyang kolektahin ang mga makapangyarihang Clow Card gamit ang mahiwaga niyang setro.
Kaninang flag ceremony ay napansin niyang kakaiba ang kinikilos ng kanyang mga klasmeyt. Parang mga zombie na naglakad papunta sa kanilang mga klase, namumugto ang mga mata. Matamlay niya silang sinundan habang iniisip ang tatay niyang nasisante sa trabaho nung nakaraang linggo. Pinalitan siya ng mas matalinong robot para magturo sa mga studyante sa kolehiyo.
Napansin ni Sakura na tila wala sa sarili ang matalik na kaibigan niyang si Tomoyo. Kahit nasa loob na sila ng silid at nakapuwesto na sa harap ng blackboard ang titser, patuloy pa rin ang pagkuha nito ng mga video sa kanyang kamera. Lalung ipinagtaka ni Sakura ang mga klasmeyt niyang tutok na tutok sa mga dalang gadget. Lahat sila’y nakatungo’t mabilis na pumipindot ang mga daliri sa kanya-kanyang cellphone, PSP, laptop, ipod, maging Tamagochi na akala niya’y matagal nang hindi ibinebenta. Lahat sila’y parang hindi pa nakakatulog. Sasabihin sana ni Sakura sa guro ang kanyang naobserbahan ngunit nakita niya itong abalang-abala rin pala ito sa pagtete-text sa hawak na iPhone.
Napuno ang silid-aralan ng takatak ng keyboard. Nakabibingi ang sabay-sabay na beep at pag-vibrateng mga gadget.
Agad na tumakbo si Sakura palabas sa silid-aralan patungong CR. Umigting ang pagkabog ng kanyang dibdib nang madaanan ang ibang silid, kung saan ganoon rin ang nangyayari. Pagdating sa CR, binuksan niya ang kanyang backpack at ginising si Keruberos, na mahimbing ang pag-idlip sa loob ng malaki niyang pencil case.
Mabilis na ikinuwento ni Sakura ang mga pangyayari kay Keruberos, na namilog sa takot ang mga mata sa bawat pangungusap na binitawan niya.
“Alam mo ba kung anong Clow Card ang may kagagawan nito, Keruberos? Parang sinapian lahat ng tao.”
“Ang Techno Clow Card! May kakayahan itong higupin ang kaluluwa ng mga taong gumagamit ng mga gadget. Lumilipat ang buhay ng tao sa mga bagay na sila mismo ang gumawa. Kapag tuluyan nang nahigop ng mga gadget ang kaluluwa ng mga tao, maaari na silang kontrolin ng mga ito!”
“Buti na lang pala wala akong hilig sa gadgets. Nahihiya rin akong magpabili kasi sayang ang pera. Tara, hulihin na natin ang Clow Card!”
Sa limang minutong pinag-usapan sa loob ng CR nina Sakura at Keruberos ang dapat nilang gawin, hindi nila inakala na nahigop na ng Techno Clow Card ang mga kaluluwa ng mga kaklase at titser niya.
Nagsimula na ngayong humiga ang mga bata sa sahig ng gym, nabasa ang mga puting uniporme ng gasolina. Parang mga sundalong tumayo ang mga titser na humiga rin sa palibot ng mga estudyante.
Wala na silang kakayahang mag-isip para sa sarili. Maging ang mismong paghinga at pagtibok ng mga puso nila’y kinokontrol na ng mga gadget.
Namatay lahat ng ilaw sa loob ng gym at panandaliang nabalot ng dilim ang malaking espasyo. Patuloy pa rin ang sirena ng mga gadget na sabay-sabay naglabas ng nakasisilaw na pulang ilaw. Ilang sandali ang lumipas at napalitan ng madagundong na tik-tak ng orasan ang sirena. Napalitan ng countdown timer ang wallpaper ng lahat ng nakasinding monitor.
Tatlumpung segundo na lang ang natitira.
Nakinita na ni Sakura ang mangyayari. Naaninaw niya ang mga headline sa balita mamayang gabi. Isang malaking pagsabog. Walang nakaligtas.
“Sakura!” sigaw ni Keruberos, na itinuro ang isang nangingintab at bagung-bagong MacBook sa sahig. Umangat ito hanggang sa mataas na kisame ng gym, mabilis na nagpaikot-ikot. Umalingasaw ang amoy ng sunog na kuryente. Bumaba mula sa kisame ang tunay na anyo ng Clow Card.
Gawa sa bakal at plastic ang malakalansay na katawan nito, pula ang kaliwang mata’t asul naman ang nasa kanan. Ang ulo nito’y nakasuot ng koronang gawa sa pinagtagpi-tagping microchip. Napatingala si Sakura sa malaking anyo nito, na halos kasing taas ng flag pole sa quadrangle.
Nasa harapan niya ang Clow Card na umagaw sa oras ng kuya niyang nahumaling sa computer games kaya’t bumagsak sa entrance exam sa kolehiyo.
Ito ang Clow Card na posibleng may kagagawan kung bakit naging mapagpanggap at makasarili ang mga klasmeyt niyang adik sa pag-i-Internet.
Ito ang Clow Card na malapit nang magtagumpay gawing artipisyal ang mismong “pagkatao” ng mga tao.
Kaya ko pa silang iligtas, sabi ni Sakura sa kanyang sarili. Pumikit siya at sinubukang isipin ang hinaharap.
Pitong segundo.
Itinaas ng Card Captor ang mahiwagang setro.
HALIK
Arellano, Sharmainne Jo G.
Maraming nangyari sa buhay ni Liz Parker nitong nakaraan kaya naman hindi niya maiwasan ang magmunimuni tungkol sa mga ito. Sa isip niya, isa-isa at paikot-ikot na bumabalik ang mga pangyayari. Una, hindi pa rin siya makapaniwala na may alien, alien na dati binabanggit niya lang pang good time sa ibang tao na ngayon ay alien na pinagkakautangan niya ng kanyang buhay. Pangalawa, pinopobrelema niya kung paano niya malulusutan ang patuloy na pagsisiyasat ng pulis na si Jim Valenti. Bukod sa mga komplikadong bagay na ito hindi rin naman niya maiwasan ang mapangiti at kiligin sa tuwing naaalala si Max Evans.
“Oh Max, kung alam mo lang.”
Aminado si Liz na nanghihinayang siya ng sinabi niyang hindi pa siya handa noong oras na dapat ay hahalikan na siya ni Max. Nais rin sana niyang mahalikan si Max ngunit hindi niya alam ang kanyang gagawin. Bukod sa kabang nadarama, nalilito siya sa kanyang dapat gawin dahil hindi siya marunong humalik. Mas maraming mang mas malalaking problema si Liz, napansin niya rin ang mga pagbabago sa kanyang buhay at sarili. Ang mga komplikadong problema at ang pagnanais na makatikim ng halik ay tila isang sampal sa kanya na nagsasabing hindi na siya bata.
“Marami na ang nagbabago at marami pa ang magbabago. Oo hindi na nga ako bata at papatunayan ko iyon.”
Samantala sa isang puno naguusap usap sina Max, Isabel at Michael tungkol sa mga susunod nilang plano habang nakatiwarik na parang mga paniki. Sa ganitong posisyon sila pinaka sensitibo kaya mararamdaman nila ang anumang paggalaw sa buong paligid.
“Sinabi ko sa’yo umalis na lang tayo, pero hindi ka nakinig!” ang pagalit na bulyaw ni Michael kay Max.
“Hindi ganoon kadali ‘yon.”
“Teka, mag-aaway pa ba kayo? Mag-isip na lang kayo ng dapat gawin.” ang pag-awat naman ni Isabel.
Para kay Michael, ang paglisan pa rin ang pinaka mabuting paraan para makaligtas. Samantalang naguguluhan pa rin si Max sa dapat nilang gawin. Nabanggit ni Isabel ang tungkol sa pag-iimbestiga ni Jim Valenti at ang posibilidad na mayroon pang katulad nila na naninirahan rin sa mundo ng mga tao. Lahat sila ay natameme at napaisip nang malalim, lahat sila nakaramdam ng kaunting pananabik. Kanya-kanya silang nagkuro-kuro. Nabasag lamang ang katahimikan ng makakita ng maliit na kristal na nagliliwanag . Bumubulusok pabagsak sa isang desyertong hindi naman nalalayo sa kanilang kinalalagyan . Dali-dali nilang pinuntahan ito ngunit sila ay nag-iingat na makalapit dito upang walang makapansin sa kanila. Nang matagpuan . nila ang kristal nagliliwanag , sinubukan nila itong hawakan ngunit bago pa man sila makalapit ay lalo itong nagliwanag at nasilaw sila. Naglabas ito ng pwersa kung saan nanghina ang tatlo at nagulo ang kanilang mga isipan. Makalipas ang ilang sandali, onti-onting humina ang liwanag ng kristal at bumalik sa normal ang lahat. Kasaba y ng paghina ng liwanag ay nanghina rin sila Max, sumama ang kanilang pakiramdam. Bagama’t hindi pa nila nababawi ang kanilang lakas, kinailangan nilang umalis sapagkat natanaw nila na paparating ang pulis na si Valenti.
Pinaka malapit na kaibigan ni Liz si Maria Deluca kaya naman naisipan niyang ibahagi dito ang kanyang mga agam-agam.
“Maria, masarap ba ang mahalikan?”
Napatingin si Maria kay Liz at patawang sinabi:
“Hindi ka pa marunong humalik?”
“Hindi pa.”
“Pagakatapos ng trabaho natin ay ipapakita ko sa iyo.”
Nakita ng pagkakataon si Maria upang matikman ang halik ni Liz na matagal na rin niyang inaasam. Matagal ng may lihim na pagtingin si Maria kay Liz ngunit hindi niya ito maipahayag dahil alam niyang straight si Liz. Kinagabihan, matapos ang kanilang trabaho, magkasama sina Maria at Liz. Bago umuwi dumaan sila sa isang convenience store para bumili ng vodka. Nagtaka si Liz.
“O para saan yan?”
“Pangpalakas ng loob.” sagot ni Maria.
Pagdating sa bahay ni Maria, sinimulan nilang uminom. Tawa dito, tawa doon at walang tigil na kwentuhan. Naging seryoso lang ang dalawa nang mapunta ang usapan nila kay Max at ang halik na gustong maramdaman ni Liz.
“Liz, tuturuan kitang humalik pero wag mong bibigyan ng malisya ito ha! Kaibigan kita kaya kaya gusto kong lumigaya ka.”
Dahil sa kagustuhan ni Liz matuto at dala na rin ng impluwensya ng alak isang mahinang “oo” na lang ang nasabi niya. Nagsimula sa titigan hanggang sa dahan-dahang maglapit ang kanilang mg mukha at maglapat ang kanilang mga labi. Unti-unting binuka ni Maria ang kanyang labi at pinagalaw ito nang dahan-dahan na siya namang pilit sinasabayan ni Liz. Hindi nagtagal ay tila nakalimot na sa sarili ang dalawa at sabayan silang nag-eespadahan ng dila at pati mga kamay nila ay nagkaroon na ng sariling buhay sa paaggalaw. Kinabukasan, nagising na lamang ang dalawa na magkatabi sa kama na walang kahit anong saplot sa katawan. Imbes na magulat at magtaka, nagtawanan ang dalawa at nagpasalamat sa isa’t-isa. Sa isip ni Liz, handa na siya at handa na rin siya para kay Max.
Ilang linggo ang nakalipas at ilang patay ang natagpuan sa Roswell. Ang mga katawang natagpuan ay walang anumang sugat sa katawan. Sa itsura nito, mistulang hinigop ang dugo at mga laman . Lingid sa kaalaman ng nakakarami na kagagawan ito nila Max, Isabel at Michael. Ito ang naging epekto ng pagkakatuklas nila sa nagliliwanag na kristal. Ang kristal na ito ang nag-udyok sa kanila upang kumitil ng buhay ng mga tao sa paghahangad na malipol ang Earth.
Marami ang nagtataka kung anong dahilan nang pagkamatay ng mga taong ito. Wala silang payak na ideya sa mga nangyari, minsan nilang inisip na isa itong ipedemya dahil sa mga pagkakapareha ng pagkakamatay ng mga ito. Nag-iisang tao lamang ang may ekspekyulasyon sa mga nangyayari, si Jim Valenti. Kasama sa mga natagpuang patay ang anak niyang si Kyle. Noong araw na namatay si Kyle, nakita ng pulis na kasama nito si Isabel, tulad ng paghihinala niya kay Max ganoon na rin ang tingin nito kay Isabel dahil alam niyang magkapatid ito. Dahil sa pangyayaring ito ay mas tumindi ang paghihinala ni Valenti tungkol sa mga alien. Bagama’t may mga ganitong nabubuong ideya si Valenti, pinili na lamang niya na sarilihin ito dahil alam niyang walang maniniwala sa kanya.
Para maging kapani-paniwala, pinalalim niya ang kanyang imbestigasyon at sinisikap na makakuha ng mga ebidensya.
Dumating ang araw na pinaka hihintay ni Liz. Niyaya siya ni Max na kumain sa bahay nito. Nahihiya man si Lizat nagdadalawang isip ay binalewala niya ito dahil ito na ang pagkakataon niyang mahalikan si Max. Naghanda si Liz, nagpaganda at nagpagabango para hindi mapahiya. Habang naghahanda, isang doorbell ang nagpatindig sa kanya at dali-daling nagtungo sa pintuan. Si Max ay nakatayo sa harap ng pinto.
“Handa ka na ba?”
“Oo, tara.”
Mula sa bahay ni Liz ay nagtungo sila sa bahay ni Max. Habang tinatahak ang daan, hindi nila napansin na nakita sila ni Jim Valenti at sinundan sila nito. Habang palapit sa pupuntahan halong kaba at tuwa naman ang nararamdaman ni Liz. At ilang sandali pa ay nakarating na sila. Pinagbuksan ni Max si Liz ng pinto at pinatuloy ito. Nagpapadagdag sa kaba ni Liz ang hindi pagsasalita ni Max at napansin niya na walang kakaiba sa bahay. Wala man lang siyang napansin na mga pagkain sa la mesa. Para maibsan ang kaba sinimulan niyang magsalita:
“So, magpapadeliver….”
Ngunit agad naman itong pinigilan ni Max sa pamamagitan ng halik. Nakamit na Liz ang kanyang pinaka hihintay at natuwa siya.
Sa kabila ng masamang balak ni Max kay ay Liz ay nagbigay ito ng kapangyarihan na ibalik sa katinuan si Max. Katulad sa kwento ni Sleeping Beauty, halik din ang gumamot kay Max upang manumbalik ang kanyang normal na buhay at magkaroon ng pagkakataong umibig.
Si Maxine ay Alien
Zion de la Peña
Masakit mabaril. Yun lang siguro ang masasabi ko pagkatapos ng nangyari sakin nung isang araw. Bumibili ako ng brewed coffee sa Katag, doon lang kasi may nagbebenta ng brewed coffee, wala kasing epekto sakin yung Nescafe 3-in-1, kahit yung extra strong pa, yung black. Pasok ako sa entrance tapos pumila. Buti na lang maaga pa. Ilang studyante lang ang nandun tsaka si Maxine Evangelista, classmate ko sa chem. Crush ko siya kasi okay siyang kausap. Madalas kaming magkasundo sa pang-aasar sa prof namin. Wala siyang kasama kaya naisipan ko siyang tabihan, kaso biglang may nagsigawan sa likod ko. Dalawang lalake, nag-aaway. Sabi nung isa, “Putangina, ang sama ng tingin mo a! Tabets ka ba?!” “Eh ano ngayon?! Tangina mo, APO!” sagot ng pangalawa. Tapos, may bumunot ng baril. Nagkaron ng konting agawan, sabay putok.
Sunod kong naaalala, nakatingin ako sa kisame. Pundido yung ilang ilaw, may ceiling fan na hindi umiikot. Bakit kaya may ceiling fan pa, eh may aircon naman? Sayang sa kuryente. Para akong nahilo na ewan. Pagtingin ko sa baba, may dugo. May tama ako. Tapos nilapitan ako ni Maxine. Kikiligin sana ako kaso wala ako sa mood, kasi nabaril ako. Nagtaka ako kung bakit niya ako nilapitan. Naisip ko sa sarili ko “Kung kukunin mo wallet ko, 80 pesos na lang ang laman nun.” Lalo akong kinutuban nang maramdaman ko yung kamay niya sa may tiyan ko. Pero dahil na rin siguro sa kawalan ng dugo, hindi na ako nakalaban. Akala ko ginusto niya lang akong samahan hanggang may dumating na tulong. Baka ganun lang siyang kabait. Nung malapit na akong mawalan ng malay, biglang umilaw yung kamay niya. Ewan ko ba kung si Papa God yun na tinatawag ako, o may ginagawang kung ano yung si Maxine, pero pagkatapos nun, biglang okay na ako. Wala na yung pagkahilo, luminaw ulit yung paningin ko, hindi na masakit yung tiyan ko dahil sa tama ng bala. Parang walang nangyari.
Tapos, binuhusan ako ni Maxine ng hot sauce. Hindi malinaw nung una kung bakit niya ginawa yun, medyo natuluan nga ako sa mata, mahapdi tapos ang init sa pakiramdam,
“Natumba ka lang tapos natapon sa’yo ‘tong hot sauce. Sorry ah, wala akong makitang ketchup eh.” sabi niya sakin.
Hindi ako nakasagot kasi hindi malinaw sakin noon kung anong nangyayari kaya tumango na lang ako.
“Parang awa mo na, wag mong sasabihin sa kahit sino yung ginawa ko sa’yo” binulong niya.
Pagkabangon ko, kinausap ako nung guard. Nagtanong siya kung okay lang ako. Away daw ng frat. Naisip ko “Bakit kaya hindi rin niya binaril yung gago?” Pero nakita kong wala siyang baril. Tanginang guard yan. Aalis na sana ako pero pinigilan ako ni manong, kaya umupo na lang muna ako sa tabi at nag-antay.
Dumating magulang ko, si Mama nagsisigaw kasi akala niya may tama ako. “Ang anak ko!” paulit ulit niyang sinigaw.
“Ma, okay lang ako. Hot sauce lang yan. Tikman mo pa oh, maanghang.”
Biglang may lumapit na taga UPD police, sabi niya “Ser, pwede ba naming kayong mahingan ng statement?”
“Sige lang.” sabi ko.
Nagtanung-tanong siya kung ano bang mga naaalala ko sa mga nangyari. Sabi ko hindi ko pa napoprocess lahat kaya kung pwede sa ibang araw na lang ako magbigay ng statement. Pumayag naman siya.
Pagkauwi ko sa bahay, dumiretso ako sa kwarto ko para magbihis. Nung nakita ko yung butas sa T-shirt ko, muntik na akong himatayin ulit. Hindi ako makapaniwala. Masasabi ko na rin na nabaril ako at nabuhay. Yun nga lang, hindi pa rin malinaw noon kung bakit humihinga pa rin ako. Kaya naisip kong tingnan sa WikiPilipinas, isang napaka-reliable na source.
Matapos ang masusing paghagilap at pag-type sa mga search engine, may nakita akong artikulo sa tabloid na Tiktik. Kasama ng mga kwento ng kalibugan ay may isang artikulo tungkol sa pag-landing ng isang space ship sa may 7-11 sa kanto ng EDSA at Kamias noong 1992, yung taon na ipinanganak ako. Meron din akong nabasa sa Philippine Ghost Stories tungkol sa isang alien encounter tapos yung nagkukwento, nalagyan din daw ng silver na bakas ng kamay. Pinagtataka ko nga lang kung bakit yun kasama dun, e tungkol nga yun sa alien, hindi sa multo.
Noong sumunod na araw, nakasalubong ko si Maxine. Sinubukan ko siyang lapitan para kausapin pero nung nakita niya ako, bigla yata siyang naihi at nagmadali papunta sa banyo. Siyempre, sinundan ko siya, pero hindi dahil maniyak ako. Gusto ko lang malaman kung alien ba talaga siya.
“Sandali lang Maxine! Sandali lang!” sinigaw ko habang hinahabol ko siya.
“Bakit? Susundan mo ako sa banyo?”
“Ano? E yung ladies room dito, tumutukoy lang sa mga tao.”
“Putek, wag kang maingay!”
“Edi mag-usap tayo.”
“Fine.”
Naghanap siya ng classroom na hindi ginagamit tapos pumasok kami dun.
“Anong gusto mong pag-usapan?” sabi niya.
“Mahirap kaya yung exam sa… Edi yung ginawa mo sakin kahapon!”
“Bakit, gusto mong bawiin ko? Pwede kong gawin yun.” pasigaw niyang sinabi. Tapos napansin ko na medyo umilaw yung mga mata niya.
“Teka, relax ka lang.” at nag-relax nga siya.
Nagtinginan lang kami ng mga higit kumulang sampung minuto, napakahabang sampung minuto. Buong pagkakaalam ko ay hindi totoo ang mga alien. Pero ngayon, merong isa sa harap ko. Naisip ko na pwede kong ibulgar ang sikreto niya at pwede ko siyang ibigay sa gobyerno para na rin kumita ako. Pero ano ba naman ang magagawa ng gobyerno? Maintenance nga lang ng school, wala silang budget. Pano pa sa pag-aaral ng alien? Well, pwede siguro nilang i-turn over sa mga Amerikano at kikita pa rin ako. Pero napansin ko rin ang takot sa mga mata niya. Kapalit ng pagligtas niya sa buhay ko ay ang kanyang seguridad. Pwede niya akong hayaang mamatay, pero sinugal pa rin niya ang kaniyang kaligtasan. At pano kung hindi pala siya nag-iisa? Nasa harap ko ngayon ang isang alien, usually kinakatakutan, pero ngayon balkitad. Siya ang natatakot. Siya ang hindi tiyak kung ano ang pwedeng mangyari sa kaniya. At ang kaniyang buhay ngayon ay nakasalalay sa pagtago ko ng sikreto niya. Pagkatapos ng humigit kumulang sampung minuto, dahandahan kong sinabing “Alam ko na kung ano ka.”
Hindi siya sumagot. Tiningnan lang niya ako nang diretso.
“Isa kang… alien. Tama ba?”
“Oo.”
“Saang planeta ka galing?”
“Hindi ko rin alam. Bumagsak lang yung spaceship namin sa may 7-11 sa corner ng EDSA at Kamias noong 1992. Yung iba naming kasama, namatay. Kaming mga nakalagay sa incubation pods lang yung nabuhay.”
“Kayo? Sinong kayo?”
Hindi natapos yung usapan naming ‘yon. May narinig kasi kaming putukan sa labas. Frat war na naman, at nagbabarilan ulit. Pagkarining naming ng unang putok, lumabas kami ng classroom. Bigla kaming sinalubong ng stampede ng mga nagtatakbuhang studyante. Nagkahiwalay kami ni Maxine at mula noon, hindi ko pa siya nakikita. Hindi na rin siya pumapasok sa chem at malapit na siyang i-drop ng prof. Tangina kasing mga kupal na frat men yun. Bawal nga dapat gumamit ng baril e. Ngayon tuloy, pag papasok sa building, masinsinan nang nag-iinspect yung mga guard para sa mga armas. Kalat na rin ang UPD police at mga SSB at nagtatago na yung mga frat na nasangkot.
Sinusubukan ko pa rin siyang hanapin hanggang ngayon. Marami pa akong gustong malaman, at higit sa lahat, gusto ko siyang pasalamatan.
“‘Wag kang made-delay. Gusto ko na magpahinga.”
Malamig. Isang utos, hindi pakiusap.
Hindi ko nagustuhan ang mga huling salita ni Tatay bago ko binaba ang cell phone. Alas-kuwatro pa ang tapos ng klase, ngunit nagpaalam na ako sa propesor para hindi ako ma-trapik. Dalawang jeep ang kailangang sakyan bago ako makarating, at kung maluwag ang daan, kulang-kulang isang oras ang aabutin ng biyahe ko. Isang oras at kalahati naman kung nagkalat na ang mga bus at jeep.
Mabilis ang takbo ko palabas ng Fine Arts building. Hindi pa rin maalis sa utak ko ang tawag mula sa aking mga magulang. Sa katahimikan ng koridor, parang naghuhumiyaw ang kanilang mga tinig, kasabay ng malakas na pintig ng aking puso at ng sunud-sunod na yabag bunga ng aking pagmamadali. Nakakabingi. “Anak, bilisan mo, kailangan ka namin dito.” Halata ko ang matinding nerbyos sa boses ng Nanay. Pinilit kong iwaksi muna ang mga imaheng nagsisimulang mabuo sa utak ko.
Sabi nga nila, hindi agad namamatay ang mga masasamang damo.
Alas dos ng hapon. Makulimlim ang paligid, at malamig ang simoy ng hangin. Napakamot ako ng ulo. Wala akong dalang payong o jacket. Nagdasal ako sa utak ko na sana ‘wag bumuhos ang ulan. Wala pang limang minuto nang makapara na rin ako ng jeep papuntang Quezon Avenue at sa terminal ng jeep patungo naman sa Kamuning kung saan naroon ang ospital na pinagdalhan kay Tatay.
Pagsampa ko sa sasakyan, nakita kong walang ibang pasahero maliban sa’kin at sa isang babaeng may kasamang paslit. “Ma, inaantok na ako,” sabi nung bata sa ale. “O siya, gigisingin na lang kita ‘pag malapit na tayo,” sagot ng babae. Mabilis na pinatong ng bata ang ulo sa kandungan ng kanyang ina. Nakangiti pa ang bata, na tila’y sinlambot ng kama sa mga hotel ang iniidlipan.
Siguro masasabi kong Mama’s Boy ako, dahil nanay ko naman talaga ang takbuhan ko pagdating sa lahat ng bagay. Mula pagkabata, si Nanay ang laging naroon sa tabi ko. Siya ang tagahatid-sundo sa’kin noong elementary, ang tagasabit ng medal noong high school. Kahit ngayong nasa ikalawang taon na ako sa kolehiyo, siya pa rin ang tagahanda ng lahat ng kailangan ko para sa eskuwela.
May panaka-nakang mga kotseng dumadaan, kasabay na rin ang mga bus na alam mo agad na kolorum dahil sa maitim na usok na binubulwak ng tambutso nila. Makikita mo rin ang mga pulis na pumapara ng mga taxi na malamang ay huli dahil bumibiyahe kahit color coding. Hindi naman nadadala ang mga pasaway na taxi drivers, e – pera pera lang ‘yan kapag tiniketan na ng pulis. Kailanman ay hindi ako nagtiwala at magtitiwala sa mga pulis.
Pulis ang tatay ko. Limang taong gulang ako nung simulan kong kulitin ang Nanay sa katatanong kung nasaan ang Tatay at bakit hindi namin siya kasabay sa hapagkainan tuwing gabi. Ang tanging sagot niya lagi ay “nasa trabaho”.
Umaalis ang tatay ko tuwing madaling araw, at halos hating-gabi na siya umuuwi, kalimitan pa, lasing. Isang gabi, naalimpungatan siguro ako, o dahil malakas ang sigaw ng Tatay. “Doray, buksan mo nga ang pinto!” yata ang bulyaw niya, pero hindi ko rin masabi dahil tila garalgal ang boses niya. Sumusuray-suray ang Tatay ng pagbuksan siya ng pinto ng Nanay, na halatang naiinis. “Ano ba naman ‘yan, Gardo, lasing ka na naman!” Hindi ako lumabas ng kuwarto ko, nakasilip lamang ako sa maliit na uwang ng pintuan. Napuno ang sala ng kakaibang amoy. Ilang taon pa ang nakalipas bago ko napagtanto na amoy pala iyon ng alak. Hindi ko na matandaan kung anong naramdaman ko nang una kong nakita ang Tatay sa ganoong estado. Natakot siguro ako. Hindi ko sigurado.
Hindi ako tumigil sa kagustuhan kong mapansin ng Tatay. Dahil mahilig naman akong mag-drawing, naisipan kong iguhit ang mukha ng Tatay. Natulog agad ako nung araw na iyon para maabutan ko si Tatay bago siya umalis ng bahay at mai-abot ang drawing ko. Pagbangon ko, nakita kong mukhang masama yata ang gising niya.
“’Tay, para po sa inyo,” sabi ko nang pabulong, sabay abot ng drawing ko.
“Ano ‘to?” Hindi man lang niya tiningnan ng matagal ‘yung larawan. “Ito ba ang natutunan mo diyan sa eskuwelahan na ‘yan?” Malakas ang boses niya. Pasigaw. Naramdaman kong nangingilid ang luha ko. Naalala ko pa kung paano niya kinurumos ang papel tsaka itinapon sa kusina.
“Masama lang talaga ang araw ng tatay mo,” paliwanag ng Nanay habang patuloy ang pagtulo ng luha ko. Lagi naman siyang nakadipensa kay Tatay. Para sa akin, alam kong wala siyang pakialam sa’kin. Hindi na nasundan pa ang ganoong pagkakataon sapagkat sinabi ko sa sarili kong hindi ko na ipipilit pa ang sarili ko sa kanya.
Alam kong hindi ako mahal ni Tatay.
Two forty-five na ng hapon. Mausok. Nangingibabaw pa rin ang boses ng mga barker ng jeep na naghahanap ng mga pasahero kapalit ng barya barya galing sa mga nakasimangot na drayber. Hindi nila alintana ang lamig o na maaari silang mabasa kung umulan basta lamang kumita. “Kamuning, Kamuning, o!” sigaw ng isa sa kanila. Dali-dali kong hinanap ang pinanggagalingan ng boses. Sa lakas ‘nun, hindi ako nahirapan.
Hindi daw sasama si Tatay kay Nanay sa paghatid sa’kin sa unibersidad kung saan kukuha ako ng entrance exam. Hindi naman ako umasa na sasama siya. Ang Nanay lang ang mapilit. Papalabas na kami ng pintuan nang marinig naming may nahulog na pinggan. Nabasag ang pinggan at ang katahimikan ng bahay. Bumalik kami at nakitang nakadapa na ang Tatay sa sahig. “Masakit, masakit!” Paulit-ulit. Tila nasasakal ang kalamnan ng Tatay dahil sa higpit ng pagkakahawak niya dito.
Sinugod siya ng Nanay sa ospital. Mag-isa akong tumungo sa unibersidad. Sa loob ko, galit ako sa Tatay ko. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ako mag-isa sa pila habang naghihintay makapasok sa silid kung saan ako magte-test, kasama ang pamilya ng mga katulad kong estudyante para suportahan sila. Mas naawa pa ako sa sarili ko kaysa sa Tatay ko. Buti pa siya, kasama niya ang Nanay.
Isang taon na ang nakakalipas nang ma-diagnose ang Tatay ng Hepatocellular Carcinoma - Liver cancer. Nagkakaroon daw ng ganitong sakit dahil sa sobrang pag-inom ng alkohol, na bisyo nga ng Tatay. Puwede naman daw magsagawa ng liver transplant o chemotherapy, pero tinanggihan ng Tatay ang mga offer ng doktor. Gastos lang daw. Hayaan na daw naming siyang mamatay.
Kahit may sakit na ang Tatay, lubos nang namayat at binigyan na ng isang taong taning ng doktor, wala pa ring pagbabago sa kanya. Nananatili siyang malamig, malayo, mahirap abutin.
Eksaktong alas tres. Mabilis ang lakad ko papuntang Emergency Room kung saan isinugod si Tatay. Walang tao sa koridor, maliban sa isang ginang na nakaupo sa labas ng ER. Ang Nanay. Lumingon siya at tumayo. Nagsimula siyang lumapit sa akin, at doon ako nagsimulang magduda. Nanlambot ako. Marahan ang lakad ng Nanay. Habang papalapit siya ng papalapit, naging malinaw ang bakas ng kalungkutan sa kanyang mukha. Namumugto ang kanyang mga matang nangungusap, nagsasabing tapos na, tapos na.
Ni hikbi ay hindi maririnig mula sa Nanay, pero ang sigaw ng pangungulila at sakit ng pagkawala ng isang minamahal na galing sa kanyang puso ay nakakabingi. Parang napupunit ang aking pagkatao sa bawat segundong akap ako ng Nanay.
Napakadaya talaga ni Tatay. Hindi ako na-delay. Masyado lang siyang nagmadali.
Dumukot ang Nanay sa bulsa niya at inabot sa akin ang isang pirasong papel na nakatupi. “Hawak niya ‘yan hanggang sa huli, anak.” Nanginginig ang mga kamay ko. Kahit kailan, hindi ako nakatanggap ng kahit ano mula sa Tatay maliban sa perang panggastos sa araw-araw – walang regalo, atensiyon, o pagmamahal.
Sumambulat sa akin ang larawang ginuhit ko noon para sa tatay ko, isang alaalang sinadyang limutin ng aking diwa ngunit natandaan ng aking puso. Sabay sa pagbuhos ng ulan ang pagtulo ng aking mga luha. Mainit. Nakakapaso.
Inakala kong walang pakialam sa akin si Tatay. Pero ngayon, napuno ako ng pagdududa. Hindi ko na alam ang totoo. Marahil nagkamali ako nang husgahan ko kung ano ang nilalaman ng puso ng isang taong hindi ko naman lubos na kilala.
Minahal mo nga ba ako, Tatay?
Ano man ang sagot, isa lang ang sigurado ako. Magiging mabuting ama ako sa mga magiging anak ko at makikita mo: hindi lang kita papantayan, lalagpasan pa kita.
ONE
“Huwag ibigay si Manay”, ‘yan ang paboritong qoute na laging sinasabi ng tiyahin ko sa akin tuwing magpapaalam akong aalis ng bahay. Ewan ko ba kung nagpapatawa lang s’ya o narinig n’ya ang mga haka-haka sa karatig kalsada na kerengkeng daw ako. Hindi ko rin naman alam kung bakit sa dami ng pagpapaalala n’ya sa akin ay hindi ako nakinig. Enjoy naman kasi talaga ang makipag-sex. Tila ba nalilimutan ko ang mga problema ko sa tuwing ibinubukangkang ko ang mga hita ko. Palibhasa’y maaga akong naulila sa magulang kaya inakalang malaya na akong gawin ang anumang gusto ko.
Tumayo ako sa pinaguupuan nang maramdamang kumikirot ang tiyan. Mahirap palang magbuntis. Pakiramdam ko’y buhat buhat ko si Dagul sa loob ng sinapupunan ko. Nahilo ako nang ma-imagine ang paglabas ni ‘Dagul’ sa keps ko. Kasing dali lang ba ‘yon ng pagtae? Palagay ko hindi. Hindi naman sa puwit lumalabas ang bata e. Nakakatawang isipin na kung ano ang sarap ng pagpasok para magtanim, doble ang hapdi at sakit ‘pag ilalabas na ang bunga. Hindi ko tuloy maiwasang maisip at mainis kay Romy dahil hindi s’ya nagsuot ng goma pitong buwan na ang nakararaan. Nahihiya raw bumili sa butika ang gago. Ako naman ‘tong si gaga na naniwalang bubunutin n’ya pag malapit na s’ya. Ewan ko rin ba kung bakit hanggang ngayon e naniniwala pa ko sa mga pinagsasabi ng hayop na ‘yon.
Tumingin ako sa orasan na nakasabit sa dingding ng maliit na barong barong na
pagmamay-ari ng Tita ko. Magaalas-sais na pala. Parating na siguro si tita galing sa trabaho. Ano kayang ulam mamaya? Sana kare-kare.
TWO
Maaga s’yang umalis ng bahay. Ilang buwan na rin ang nakakalipas pero hindi pa rin s’ya makapaniwalang nabuntis n’ya si Marie. Alam n’yang malaking responsibilidad ang dapat n’yang gampanan nang lumabas ang resulta ng pregnancy test. Nababagabag na siya kung ano ang gagawin. Naalala n’ya na last gig na para sa kanya ang lakad nila ngayong araw.
Dumating siya sa hideout ng matagal n’ya nang mga kabarkada bago magtanghali. Sinabi n’yang huling beses na ito na sasama siya sa kanila. Tama, nangako s’ya sa nobya na mamumuhay na s’ya ng matino nang malamang nagbubuntis ito. Tumawa lang ang mga kaibigan. Palibhasa’y pangsampung beses na n’yang sinabi na titigil na siya.
Isinuot na nila ang mga stocking sa mukha. Gusto n’ya sanang itanong kung bakit nga ba stocking ang isinusuot nila sa tuwing may lakad sila ngunit hindi na n’ya mabuksan ang bibig sa sikip ng stocking na napadpad sa kanya.
THREE
Isa sa mga iginagalang na pulis sa kanilang lugar si SPO2 Dominador Santiago. Bata pa lamang kasi s’ya ay pangarap na n’yang maging pulis. Ngayon ay halos 20 taon na s’ya sa
serbisyo. Dahil sa gusto n’ya ang linya ng trabaho bilang pulis at masipag s’ya sa trabaho, ilang
beses na s’yang inalok ng mas mataas na puwesto ngunit tinanggihan n’ya ang mga ito. Mas gusto raw n’ya na mapasabak sa mga engkwentro kaysa maupo sa lamesa at magbigay ng mga utos sa mga nakabababang posisyon. Ngayon ay 37 taong gulang na siya ngunit wala paring asawa. Pinakasalan na raw n’ya ang serbisyo at hindi na s’ya maghahanap ng iba.
Ang hindi alam ng nakararami ay nagkaroon na ng karelasyon si SPO2 Dominador noong kabataan n’ya. Tinakbuhan n’ya ang babae nang malamang nabuntis n’ya ito. Ang sabi n’ya ay natatakot s’ya sa maaaring mangyari sa bata at sa nobya dahil sa linya ng trabaho n’ya, takot naman daw s’ya sa commitment, ayon naman sa iba.
Noong partikular na araw na iyon ay may natanggap s’yang report na mayroong pagnanakaw na nagaganap sa isang bangko. Bilang tapat na alagad ng batas, agad agad na nagtungo si SPO2 Dominador sa lugar ng insidente.
FOUR
Pawis na pawis at parang windang na windang si tita nang dumating sa bahay.
“O, tita. Ba’t parang pagod na pagod ka?”, tanong ko sa kanya.
Hindi siya sumagot. Tumingin lang s’ya sa akin na parang may gustong iparating. Hindi ko siya naintindihan. Mahina talaga ako sa mga gano’ng bagay.
“Si Romy, Marie…”, ang biglang sambit n’ya. “Nabaril si Romy…”
“A-ano p-po?”, nagpanggap akong hindi ko s’ya narinig. Gusto kong palubagin ang loob ko. Gusto kong maniwala na hindi nangyayari ang trahedya sa tunay na buhay. Hindi ako naniniwala sa mga nakikita sa mga telenovela. Hindi, ayokong maniwala.
Binuksan ni tita ang TV. Mayroong report tungkol sa isang bangko na malapit lang sa aming lugar. Ito ay tinangkang nakawan ng isang grupo ng limang kalalakihan na nakasuot ng stocking sa ulo. Stocking gang daw ang pangalan ng grupo na ito ayon sa mga pulis. Hindi ko malaman kung hinulaan lang nila ‘yon o talagang walang taste ang grupo na binanggit.
Hindi ako makapaniwala sa mga nakikita ko. Kasama nga si Romy sa mga ibinabalita. Isa s’ya sa tatlong napatay sa engkwentro kaninang hapon ayon na rin sa ini-interview na SPO2 na kilalang kilala sa lugar. Nanghina ang mga tuhod ko at napaluhod na lamang sa sahig.
FIVE
Noong malaman ni Anna na nagbubuntis ang pamangkin, hindi n’ya maiwasan ang makunsumi. Ngayon ay 16 anyos pa lamang ang bata na naiwan sa kanya ng kapatid na namatay tatlong taon matapos iwan ng pulis na kinakasama ngunit ngayon ay nagdadalang tao na ito. Lalo pang sumakit ang kanyang ulo nang marinig na ang ama ng batang ito ay ang kalapit bahay nila na kilala sa mga kabulastugan na ginagawa nito. Noong una pa man ay binalaan na n’ya ang pamangkin na lumayo sa lalaking iyon, ngunit dahil din siguro sa ilusyon ng kalayaan ng bata, nabuntis ito at ngayo’y nananatili na lamang sa bahay at nagrereklamo tungkol sa hirap ng pagbubuntis.
Alam n’yang mali ang pagpapalaglag. Nanggaling na s’ya doon. Nasubukan na n’ya at hanggang ngayon ay binabagabag pa rin ng konsiyensya. Ayaw na n’yang sundan ng pamangkin ang kasalanan na noon ay ginawa. Tutol man, pinayagan na rin n’ya na magkita paminsan minsan ang kanyang pamangkin at ang nobyo nito.
SEX
Gumising si Rommel na ngayon ay 17 taong gulang na. Katabi ang nobya na maganda, makinis at may magandang hubog ng katawan. Hindi makapaniwala sa nangyari noong gabing nakalipas. Palibhasa’y may itsura na minana sa ‘single mother’ na ngayon ay nagtatrabaho sa ibang bansa, nakukuha niya halos lahat ng magagandang babae sa kanilang lugar. Kilala siya dahil sa katangian niyang ito.
Isang buwan na ang nakalipas mula nang magtalik sila ng kanyang nobya. Napatalon na lang siya nang tawagan s’ya nitong umiiyak at nang sabihin sa kanya ang balita ng doktor.
“Rommel… Buntis ako!”
“…”
Nanahimik lamang si Rommel. Hindi n’ya alam kung ano ang gagawin. Hindi n’ya alam kung kaya n’yang pangatawanan ang malaking responsibilidad bilang ama. Saka n’ya lamang naalala ang sinabi ng ina bago ito tumungo sa ibang bansa.
“Rommel, malaki ka na kaya sa tingin ko alam mo na kung ano ang mali at tama.”, ang sabi ng ina. “Magiingat ka ha.”
“Tandaan mo na ang taong sabik, madalas napapasabit.”, pahabol pa nito.
Franchesca Mae Faustino 2009-53844
Digmaan Ng Mga Taksil
Gulnara: Nagtago kami sa hardin, nababaliw
sa mga patagong halik at sa aming bawal na pagmamahal.
Sa bawat haplos, tumatatak sa aking balat ang aming kataksilan.
Hindi na ako lumaban.
Sa yapos at lagablab ng aming mga katawan
natamo namin ang kalangitan.
Muhamud: Bakit tahimik ang kalangitan
sa mga nagaganap na kabaliwan?
Nadungisan na ang kaniyang katawan
at sa iba na niya ibinigay ang kaniyang pagmamahal.
Wala akong kalaban-laban
dahil si Gulnara ay ang mismong taksil.
Boulasem: Si Muhamad ay isang taksil!
Isumpa siya ng kalangitan.
Plano niyang patayin ang lahat ng taong lumaban
para sa kaniya. Nababaliw
siya sa kapangyarihan. Ito ang kaniyang mahal.
Hindi ako matatahimik hanggang makita ko ang kaniyang walang buhay na katawan.
Muhamud: Isang matalim na punyal ang isinaksak sa aking katawan.
Ano ang ginawa ko para pagtaksilan
ng mga taong akala kong nagmamahal
sa akin. Kung ang aking kaluluwa ay mapupunta sa langit
maguguluhan pa rin ako sa nakakabaliw
na pagtaksil na naganap. Pero ngayon tapos na ang aking lumaban.
Zafira: Samahan ninyo ako sa aking laban
at ialay ninyo ang inyong makisig na katawan
para patalsikin si Boulasem. Kabaliwan
ang ginawa niyang pagtaksil
sa aking ama. Ang langit
ang magiging testigo sa aking paghiganti para sa aking amang minahal.
Mga pinuno Para sa sultan nating mahal,
sa digmaan: tayo ay lalaban.
Binabantayan tayo ni Allah sa langit,
palakasin ang loob at katawan
sa digmaang laban sa nagtaksil.
Ang matakot ngayon ay kabaliwan.
Sundalo: Dahil sa pag-ibig, nagkalat ang mga duguang katawan.
Ano ang aking pinaglabanan kung parehong kampo ay mga taksil?
At sa ilalim ng mapulang langit, ako ay nabaliw.
***
Ricky C. Ornopia
09-78046
Lihim ni Zelim
Digmang laban sa Tedenst kami’y nahikayat
naiisa sa layon. Mga Marruecos kasamang lumakad
bitbit ang mithing tagumpay, nais matupad,
kapangyarihan at mapaghiganting ganap.
Upang magamot ang hindi naghihilom na sugat
pinsala ang ibubunga nang pag-ibig na salungat.
Tugma sa interes . Layon nama’y salungat.
Sa tangis ni Gulnara at kurba ni Zafira ako’y nahikayat
Resulta: sariling bayan at puso’y sugatan.
Palagi kaming bigo sa aming mga laban at lakad.
Kailan kaya mahahawakan ang tagumpay na ganap?
Walang makakahadlang upang ito’y matupad.
Mga kawal: pakitunguhan ang dalawang bayang nag-aalitan, ipatupad.
Personal na kalooban ma’y salungat
Dapat na mahusay ang pagganap
sa digmaan, nang sila’y mahikayat.
Magpaiwan tayo, habang sila’y patuloy na lumalakad
Hintayin ang pagkakataong kapag sila’y mahina at sagutan
Maisasagawa ang layon, pagharian ang tatlong bayan, hihilom yaring sugat.
Nawa’y di mabuking, ang aking lihim, datapuwa matupad
Marami na akong ipinustang sakripisyo sa bawat laban at lakad
Tiyak na mababawi sa aking pagbalikwas at pagsalungat
ko sa aming plano. Hindi talaga ako lubusang nahikayat
na makisali sa digmaan. Nais ko’y magharing ganap.
***
Valmonte, Erryell Joy F.
09-31928
Pila
Sa labas pa lang, mahaba na ang pila.
Tiniis ng mga tao ang init habang nakatayo
para lang ang palabas ay mapanood.
May mga estudyanteng magkakakilala,
at ang ila’y tahimik at nag-iisa.
Ilang sandali kami na’y pinapasok.
Halos lahat na ng tao’y nakapasok
at sa labas ay wala nang nakapila.
Napansin kong marami ang nag-iisa.
Gaya ko, sila pa rin ay nakatayo
at naghanap ng mga kakilala
para sana may kasamang nanonood.
Ilang saglit pa humanda na kaming nanood.
Sa entablado si Zelima’y pumasok
habang mga mata’y tila nangungusap.
Sa likod, may mga taong nakapila
at sa dilim ay kabadong nakatayo
habang nag-aantanda ang bawat isa.
Si Zelima’y muling naiwang mag-isa
ang mga mata ng mga manonood
ay titig sa binibining nakatayo.
At bigla na lang sa likod ay pumasok,
at sumama sa bangkang may mga nakapila
at iniwan si Zafirang nakatitig sa mga manonood na tila nangungusap.
Sumingit ang isang boses at kami’y kinausap,
magkakaroon raw ng break at ako’y muling naiwang mag-isa.
Sa pinto’y dagsa nanaman ang nakapila
pero may mga nanatili pa ring mga manonood.
Natapos ang sampung minuto at sila’y muling pumasok
at naupo ang mga taong kanina’y nakatayo.
Natapos ang palabas at ang mga tao pumalakpak habang nakatayo.
Ang ila’y nagsimula nanamang mag-usap
na marahil ay tungkol, sa papel na kanilang ipapasa sa kanilang pagpasok.
Ako pa rin ay nag-iisa.
Naubos na ang mga manonood at
Unti-unti na ring umigsi ang mahabang pila.
Nanatili akong walang kasama at nag-iisa.
Pero nasiyahan ako sa aking pinanood
hahit gaano man kahaba ang naging pila.
***
Lolette C. Gohol Prop. Vladimeir B. Gonzales
2009-79140 SESTINA
Ang Taksil na Anak
O, Boulasem ng Tedenst na may setro’t korona.
Pinupugay nang nasasakupan dahil sa paggapi ng Sultan
ng Marruecos na siyang mortal na kaaway.
Dangal at papuri’y nagmula sa bunso mong si Abdalap
na sa simula’y nagpakita ng tunay at tapat na paglilingkod sa ‘yo.
Pagsamba’t pagmamahal naman ang siyang alay ni Orosman, ang panganay mong anak.
Nilapitan ka ng iyong anak,
si Orosman na may malaking respeto sa iyong korona.
Matapat na ibinulong sa ‘yo
ang maitim na balak ng isang nagnanasang maging Sultan.
Nagulat ka’t hindi makapaniwalang si Abdalap
Ang gustong umagaw sa setro mo at handang maging kaaway.
Ang bunso mong anak ang iyong bagong kaaway
na nabatid ni Orosman, ang ginigiliw mong anak.
Hindi maglalaon ay kikilalaning hari si Abdalap
sakaling mapasakanya ang nais na setro’t korona.
Sa Tedenst, siya na ang magiging makapangyarihang Sultan
at maglalaho na ang dakila at papuri para sa ‘yo.
Ang pagpapasya ay nasa sa ‘yo
kung tutugisin mo ba kaagad ang kaaway
na naghahangad sa iyong trono bilang Sultan.
Siya ang bunso mong anak
na gustong maghari at magmay-ari ng korona.
Hindi kapani-paniwala nguni’t siya ay si Abdalap.
Sino kaya kina Orosman at Abdalap
ang mananatiling totoo at tapat sa ‘yo?
Kay Orosman nga ba ang korona
at parusa ang ipapataw sa bunsong kaaway?
Sapagkat nagtaksil si Abdalap, ang iyong anak.
At dinungisan ang iyong dangal bilang Sultan?
O, Boulasem, sa Tedenst ay Sultan.
Ano’t buong inakalang iginagalang ni Abdalap?
Isa na siyang suwail na anak.
Wala ng respeto at pagmamahal ngayon sa ‘yo..
At handa kang patayin at maging mortal mong kaaway
sa ngalan ng kapangyarihan, setro at korona.
O, Boulasem, tumatangis si Orosman para sa ‘yo
sapagkat anak mo’t kadugo lamang ang iyong kaaway.
Siya si Abdalap na sakim at nagnanasa sa iyong korona.
***
BAYAN, AMA, ZAFIRA
hindi nais na kitilin ang buhay ng sariling ama
ninais lamang na pumunuan ang sintang bayan
isang dilag galing ng marruecos, aking nakita sa isang
zafira ang kaniyang ngalan, bagay sa kaniyang mukhang mayumi at maganda
sa kabila ng angking kagandahan, nakita isang babaeng matapang
ipaglalaban ang pag- iibigan nila ni Orosman kahit na ito’y mali
pagpatay sa aking ama’y isang tunay na kamalian
siya ang nagpalaki sa amin ni Orosman, patawad aking ama
ipinaglaban ang bayan ng tedenst gamit ang giting at tapang
hindi isinuko laban sa pananakop ng ibang bayan
pagsasamahan sa mga tauha’y naging maganda
palaging ang mga tauhan at mga pinuno’y may pagtitipon
isang binibining kay ganda aking nakita sa pagtitipon
nais siyang makuha kahit na isa na naman itong kamalian
iniibig ko siya dahil sa kagandahan
mali ang sakim na pag- ibig bilin ni ama
ngunit ipaglalaban katulad ng paglaban ni ama sa aming bayan
buong puso, lakas at tapang
ngunit iniibig ni zafira ang aking kapatid na matapang
katulad ko, nagkita sila sapagkakatipon
lahat ng tao’y kabilang dito kahit na taga- ibang bayan
pagkakaisa’y nais matamo, ang pagdudahan ang isa’t isa’y mali
pagtitiwala,pagmamahalan at pagkakaisa sabi ng sultan at ng ama
subukang makagawa ng isang ugnayang maganda
sa akin puro kasakiman at wala ng ugaling maganda
ngunit ipagmamalaking hindi ako duwag at ako’y matapang
iyan yata ang turo sa amin ni ama
maipagmamayabang kami sa alin mangpagkakatipon
pagkabata’y puro kabutihan, ngunit nang ako’y tumanda ang lahat ay mali
naging sakim sa pag- ibig kay Zafira at sa akingbayan
kinamuhian ng buong bayan
ugali’y hindi naging maganda
pagpatay sa sariling ama’y isang kamalain
naging duwag at nagtago ang katapangan
ang kabutihan sa aking loob ay hindi naitipon
hindi nagawa ang mga bagay na nagawa ni ama
hindi ipinakita ang pagmamahal katapangan sa sariling bayan
ipinakitang kasakiman at kapangitan ng ugali sa isang pagtitipon
isang pagkakamali ang lahat ng ito, patawad aking ama.